Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH

mga kaisipan mula sa diwang gala...

Sa linggo, maririnig na naman natin ang matalinghagang talinghaga ng Mabuting Samaritano.
Ang tiyak na sasabihin nating "Alam ko na ibig sabihin nyan!" "Alam ko na magiging homily ni Father sa misa!" "Ang mensahe nyan eh pagtulong sa kapwa, di ba?"

Yeah right!

Maganda sigurong kilalanin natin ang mga Samaritano sa mas malalim na paraan.
Sino nga ba ang mga Samaritano?
Kung may tinatawag tayong "Samaritano", ito ba'y dahil siya ay isang matulunging tao,
o may mas malalim, at mas matinding kahulugan ito.

Ang mga Samaritano, 2nd class na Hudyo.
Palibhasa, sila yung mga apo ng mga Hudyo na nakipag-asawa sa mga banyaga, sa mga hindi nila ka-lahi at kababayan.
No wonder, hindi sila katanggap-tanggap sa mga "purong" Hudyo,
mga "anak/kapatid sa labas" ang mga Samaritano.
At, para lalong tumindi ang alitan nila, pinili pa nilang sumamba sa ibang templo,
hindi sa Herusalem, sa Bundok ng Gerazim pa.
Magkaiba na nga ng pinanggalingan, magkaiba pa sa pananampalataya.
"Tubig at langis...paanong magsasama?"

Ngunit sa maririnig nating ebanghelyo sa linggo, ang bida sa kwento ni Hesus ay isang Samaritano.
Hindi lang upang i-highlight ang kahalagahan ng pagtulong at pagkalinga sa kapwa,
kundi upang ipakita na, minsan, yun pang hindi nating ka-ugali, kababayan, kapanalig sa relihiyon at mas mabait, mas mabuti, mas mapagmahal kaysa sa ating nagmamalaking mananampalataya.

Kaya, maliban sa tanong na "Paano kaya ako magiging mabuting Samaritano sa aking kapwa?", siguro, maganda ring tanungin "Sino ang mga Samaritano sa buhay ko?"
Yung mga 'di natin tanggap ang ugali,
yung mga kakaiba ang pagkatao at pinanggalingan,
yung kakaiba mag-isip o kumilos,
yung hindi natin maunawaan o makasundo,
Sino nga ba silang mga "2nd-rate, trying hard" na Samaritano sa buhay natin?
Kaya ko ba silang tanggapin, kilalanin, pahalagahan, mahalin?

At siguro, idagdag na rin natin ang tanong:
"Kaya ko rin kayang tanggapin, kilalanin, pahalagahan at mahalin
ang Samaritanong nananahan sa puso ko mismo?"

Blog EntryMay 31, '10 11:38 AM
for everyone
Tiyak na alam mo ang scenario na ito:

Nanganak ang isang babae, napakagandang bata.
Dumating ang isang trahedya o sakuna,
nahiwalay ang mag-ina,
akala nila patay na ang nanay, kaya ang bata ay aampunin, aalagaan at ituturing na anak ng isang pamilya.
Magkikita sila sa 'di inaasahang pagkakataon...
magkakatagpo mga mata nila,
hindi sila magkakilala,
pero ramdam ng bawat isa ang isang kakaibang pakiramdam...

astig! pagkatapos ng isang buong season ng teleserye, magkakatagpo ang mag-ina and they will live happlily ever after!

Yung kakaibang pakiramdam, tinatawag nilang "lukso ng dugo"...
Parang may isang sulok ng iyong pagkatao na sumisigaw at nagpupumiglas na sabihing:
"kilala mo yan! anak mo yan! parte ng buhay mo yang taong yan!"

Sa linggo, at tuwing linggo ka'mo, tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ni Kristo.
Sana hindi manatiling obligasyon o ritwal na kelangan lang tupdin ang pagdiriwang na ito.
Sana, sa bawat pagkakataong natatanggap natin si Kristo,
hayaan nating dumloy sa ating puso't pagkatao ang kanyang mahal na dugo,
hayaan nating linisin at dalisayin nito ang ating ulirat at kamalayan.
Upang, sa araw-araw nating mga gawain, maging mulat tayo sa presensya niya sa piling natin.
Para, sa kabila ng gulo at pagod ng bawat araw, maramdaman pa rin natin ang lukso ng kanyang Dugo sa puso natin.
Sa oras ng pagsubok,
tagumpay,
kabiguan,
liwanag
at kadiliman,
hindi natin mapapalipas ang sandali na masabi nating,
"Kilala ko 'yan! Bahagi ng buhay ko 'yan!
Panginoon ko 'yan!"

Blog EntryMay 30, '10 2:19 AM
for everyone

Lakad Samuel! Lakad!

Isang nakatutuwang detalye ito nung nagmisa ako nung Byernes sa Katedral!

Pagkatapos ng misa, nagka-kwentuhan kami ni Ka Hernan, ang masipag na sakristan-mayor ng katedral, tungkol kina Haring Herodes Antipas, at nabanggit namin sina Prinsipe Rodante ng Komedya ng San Dionisio. Biglang napasabi si Ka Hernan ng "Lakad Samuel, Lakaaad!"

Sino nga pala si Samuel?

Si Samuel (whole name: Samuel Belibet) pala eh yung isa sa mga sundalong tagahampas kay Hesus nung binubuhat niya ang Krus patungong Kalbaryo. Hirap na hirap na si Hesus sa bigat ng kanyang krus at halos nakagulapay na siya sa kalye, pero sa kabila nito, patuloy pa ring hinahampas ni Samuel ang kawawang nilalang at sinisigawan ng "Ha! Kung ikaw nga talaga ang Mesiyas, lumakad ka! Lakaaaad!" (Sabay hampas, dura at tadyak. eewww!) 

Dahil dun, may nag-txt, este, may boses mula sa langit na nagsabing "Dahil sa pag-aalimurang ginawa mo sa Anak ng Diyos, ikaw ay sinusumpang maglakad nang maglakad nang walang katapusan sa buong mundo hanggang sa pagka-gunaw nito!"

Yari na!

Kaya, matapos mabuhay mag-uli si Hesus, nagsimula ang kahindik-hindik na sumpa kay Samuel Belibet! Lakad na siya nang lakad nang lakad, kahit napapagod at napapagal na siya. At kapag masakit at bitak-bitak na ang kalyo sa talampakan niya, may bigla na lang bubulong (o siguro sisigaw) ng "LAKAD SAMUEL! LAKAAAAAAD!"

ooohhhh! rak en rol! hardcore ito!

Wala lang, pakiramdam ko minsan ako yata si Samuel. Pero syempre, iba konteksto ng paglalakad ko. Parang ako ay tuloy-tuloy sa paglalakad, pero 'di ko matanaw saan patungo at saan ang kahihinatnan ng paglalakbay na ito. Minsan, gusto ko nang huminto o tumigil muna sa kakalakad, pero tuloy-tuloy ang buhay. Hindi madali, kasi malubak at baku-bako ang daan, nakakahingal talaga o nakakabagot, pero tuloy pa rin, talagang parang "Lakad Jepot, lakaaaad!"

Wala lang, gumala lang diwa ko dahil sa isang rak en rol na taong sinumpang maglakad nang maglakad!

 

 

 


Blog EntryMay 15, '10 10:59 AM
for everyone
Kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus.
Kakabasa ko lang nung huling kong blog tungkol sa pyestang ito.
Ang dami nang nangyari mula noong naisulat ko yun.
Napaisip tuloy ako ng bagong maibabahagi tungkol sa Ascension ni Kristo.

Naalala ko tuloy na "World Communications Sunday" ngayon.
Eto yung araw kung saan ipinagdarasal lahat ng mga taong involved sa media at communication.
Mga broadcaster, mga newscaster, reporters, artista, writers, peryodista, etc.
Lahat ng mga nakikita, naririnig, nababasa at nalalathala sa mundo ng media.
Sana raw maging instrumento sila ng Mabuting Balita ng Panginoon sa buong daigdig,
sa isang mundong napapaligiran ng bad news, bad times at bad trip,
sila sana ang maghatid ng balitang maghahatid ng pag-asa at pagbabago.

Communication...
Ano nga ba sikreto ng mabuting komunikasyon o talastasan?
Maraming tao raw nakakaproblema dahil sa maling paggamit o maling pagkakaunawa ng komunikasyon.
Di nagpaparamdam, akala galit na.
Nagkamali ng text, nag-away na.
Napasabi lang ng hindi tama, hiwalayan na.
"There's a problem in communication", wika nila.

Pero, ayon sa naaalala ko sa seminaryo at sa eskwelahan,
communication involves two things:
listening and speaking...
pakikinig at pagsasalita...
'Di ka maayos na communicator kung 'di ka marunong magsalita,
pero 'di ka maayos na communicator kung 'di ka rin marunong makinig.
Kaya minsan, mas meaningful pa gestures ng pipi kaysa sa kadaldalan ng mga tsimoso't tsismosa.

Siguro nga, kaya itinatapat ng simbahan ang World Communications Day sa kapistahan ng Pag-akyat sa Langit ni Hesus, kasi may gusto itong ipaalala sa ating mga alagad nya,
lahat tayong nagnanais na magpahayag ng mabuting balita sa ating mundo.

Bago isinugo ni Hesus ang mga alagad, iniutos nya muna sa kanilang lahat ng makinig.
Makinig sa Espiritung bubulong ng karunungan at kaalaman,
makinig sa Espiritung magbibigay kaliwanagan at kamalayan sa lahat,
makinig sa lahat ng talinghaga, katuruan at paalalang ibinahagi niya sa kanila habang magkakasama pa sila dito sa mundo.
At kapag napakinggan na nila't naalala ang lahat ng ito,
saka pa lang silang hahayo at magpapahayag.

Madalas failure in communication din sakit nating mga alagad ni Hesus.
Mabilis tayo dumakdak, mabilis tayo mag-comment, mabilis tayo manghusga,
mabilis tayo dumaldal, kahit na puro kwentong walang kwenta ang lumalalabas sa bunganga natin.

Paanyaya rin sa ating lahat: makinig...
Makinig sa karanasan ng ating kapwa,
makinig sa karunungan ng mga mas nakakatanda o nakakaunawa,
makinig sa mga hinaing at paninidigan ng iba,
lalo na yung iba sa atin,

Makinig, Magnilay, Manalangin,
saka palang tayo humayo
at magpahayag.

Kapag ganoon ang nangyari, magiging mabuting tagapagpahayag tayo.
Dahil hindi lang salitang walang saysay ang manggagaling sa bibig natin,
kundi Mabuting Balitang makakapagbago sa puso't isipan at buong buhay nating lahat.

Blog EntryMay 3, '10 9:38 AM
for everyone
matapos ang ilang buwan ng katahimikan, eto na naman ako...

sinuwerte lang siguro dahil may load na ang pre-paid na internet ko...
nasa ibang bahay na ako...

wala lang, magpaparamdam lang matapos ang isang mahaba't nakakapagod ngunit nakatutuwang linggo...

eto na naman tayo!
kaya ngayon,
alsa balutan!

Blog EntryJan 19, '09 7:52 PM
for everyone

wala lang

unang subok sa multiply...

unang subok ko rin magblog, hmm...ano ba nilalagay sa blog?

mga kwento lang ba? mga laman ng isip at puso at lapay at bituka...

bahala na, abangan na lang ang mga kwento't kawirduhan na lalabas na lang bigla (pupulandit na lang bigla! hehehe!)

mabuhay mabuhay ang mga bugak!